Posted in Uncategorized

Talasok

Malamig sa bundok kung gabi. Kung minsan, ang lamig ay nilalahukan ng malakas na hangin.
Ang gabing iyon ay isa sa mga gabing dinaluhan ng nagtatampuhang lamig at hangin, natanggal ang isa sa mga talasok na nakabaon upang lumugar ang tolda.
Nakita kong ibinabalik niya ang pagkakabaon ng nasabing bagay. Nilapitan ko siya upang tulungan. Hinawakan ko ang tolda upang mabawasan ang paggalaw nito at nang mabilis niyang maibaon ang talasok. Naibaon ang nasabing bagay ngunit hindi ganap na maayos dahil sadyang malakas ang hangin. Aniya, “Hindi mo na maibabalik ang dati.”

Bumaba kami ng bundok nang hindi naghahawak ng kamay.

@Gia Marie.2017 All Rights Reserved

Protected by Copyscape

Advertisements
Posted in poem, Uncategorized

Parang Oda

Matagal na pala kitang naiguhit;

noong iba pa ang aking gusto,

noong iba pa ang aking nais.

Ni hindi ko nga alam ang iyong wangis

o kahit ang iyong hugis.

Ngunit nailapat ko sa papel ang kulay

na sa’yo’y bumibigkis.

Napudpod na ng panahon ang aking mga pangkulay

at papel nang ikaw ay dumating.

At tila nagpapatawa ang langit nang malamang

sa’yo ay may tumatawag nang “akin.”

Puta, kay husay ng tadhanang

gawing tama ang mali, lalo na’t ang

sinasangkalan nito ay ang pusong marupok

na ang gusto lamang ay mahalin.

Iniibig ko ang bawat pilantik ng iyong daliri.

Ang impit na pagtili.

Iniibig ko ang pagtaliwas ng matitingkad na kulay

sa iyong balat, kahit ang mata mong umiismid.

At handa ko pa sanang ibigin

ang lahat ng bagay na sa’yo ay hindi ko pa batid.

Ngunit ang pag-ibig ay isang kumpetisyon,

na katangahan ang lumaban kung mayro’n nang nagwagi.

@Gia Marie.2017 All Rights Reserved

Protected by Copyscape

Posted in Uncategorized

Balikan ang tamis ng unang kilig.

Silayan muli ang ningning ng gabi nang

kanyang sabihin na sana siya ay sa iyo rin.

‘Pagkat ang bawat pait ay may katumbas na ngiti

na sumasapat sa pusong mahapdi.

Halika! Maupo ka at sasamahan ka namin

bumalik sa ganung sandali,

kahit sa isang saglit.

Hugutin natin sa bangko ng iyong gunita

ang mga alaala ng kahapon; alikabok

man iiyak ang umaga sa kanyang pag-alis,

masarap parin yakapin ang dapit-hapon

kung kailan minsan sa iyo ay may isang

estrangherong buong pusong nagnais.

Halika, pumuwesto ka!

At sasabayan ka namin muling umibig.

Ilahad ang ganap nang may pagtatanging

matagal mong ikinubli sa ilalim ng iyong

unan kung gabi. Lakasan ang pagbigkas

ng mga pangyayaring madalas ibulong

sa hangin. Sapagkat, ang gabing ito ay hindi

sa amin, ito ay para sa iyo na sa bangko

ay nagkasya nang sumiksik. Iluha’t iawit

ang kwento ng iyong pagsintang gabi-gabi

kung magngitngit. Dumito ka’t sasabayan

ka namin.

At sa aming pagtatanghal ay masusumpungan,

isang kabanata ng iyong nakaraan. Masidhi man

alalahanin, matami din aaminin, na

minsan sa iyong pag-upo, ang oag-ibig ay maaring

magbalik.

@GiaMarie.2017