Posted in Journal

Writer’s Poetics

Bakit ka nagsusulat?

Ito ang unang beses na sasagutin ko ang tanong na ito. Kahit na madaming beses na itong tumakbo sa isip ko noon.

Hayaan mo akong magkwento sandali.

Unang beses akong sumulat noong nasa ika-limang baitang ako. Pinupuno ko ng tula ang school diary ko na dapat sanang pinagsusulatan ko ng aming mga takdang aralin at proyekto. Tula tungkol sa pag-ibig, kahit na wala pa akong alam na kahit na ano tungkol dito. Siguro kung naitago ko ang diary na ‘yon at mabasa ko ulit ang mga nasabing tula ay matatawa ako at mapapangiwi sa kung paano ako nag-astang makata sa isang bagay na hindi ko pa nararanasan noon. Naisip ko tuloy ngayon, hindi pala kailangan ng karanasan para makapagsulat. Natatawa ako.

Noong bagong taon ng 2015, habang sumasayaw ang mga paputok sa kalangitan, umaawit naman ng hika ang hininga ng Nanay ko. Iyon ang unang beses na nakita ko siyang iniinda ang paghinga, at masakit iyon sakin. Habang hinihintay ko siya sa lobby ng ospital ay nakapag-sulat ako ng tula ng may apat na saknong. Tula kung saan nakapaloob ang sakit at takot ko nang makitang magkasakit ang Nanay ko. Matagal ko nang alam na kailangan ng tunay na karanasan upang makapagsulat- simula nang mangyari ito.

Ang dami kong hanash, so bakit nga ba ako sumusulat? Maaaring magbago ang sagot ko sa tanong na ito sa hinaharap pero sa ngayon, masasabi ko na sumusulat ako para makunan ng larawan ang mga emosyon at imahinasyon ko. Matagal ko nang ginawang lente ang lapis ko, at mahilig akong pagsirku-sirkuhin ang mga salita hanggang sa mahuli nito ang emosyon at imahinasyon na hindi ko sinasalita sa iba bukod sa sarili ko. At kapag nagagawa ko ‘yon, shet, suryal!

Paano ka nagsusulat?

Pinaghahandaan ng mga Nanay ang unang araw ng pagpasok ng anak nila sa kinder. Sa bahay, tinuturuan na silang magbilang hanggang sampu o minsan ay hanggang isang daan pa, (hanggang labing isa lamang ang nakabisado ko.) Pero ‘wag nating pag-usapan ang pagbibilang, dahil mas natutuwa akong alalahanin kung paano ako natutong magsulat; hahawakan ng nanay ko ang maliit kong kanang kamay at dahan dahan kaming susulat ng mga letra na kalaunan ay mapagtatanto kong pangalan ko pala. Pagkatapos ay saka niya ako susubukin at sasabihing, “O sige, ikaw naman.” Makakaramdam ako ng munting kapangyarihan sa tuwing sasabihin niya ito. Ililipat ko ang lapis sa kaliwa kong kamay at saka susulat ng mga kaparehang letra. Mas mabilis- mas malinaw. Marunong ang kanan kong kamay, pero magaling ang kaliwa.

Noong ako ay nasa sekondarya, hindi masyadong matataas ang mga grado ko sa mga sanaysay at tula. Mahilig daw akong gumamit ng salitang balbal sa formal theme, at hindi ‘raw magkakasukat ang mga saknong ko sa tula. Pero alam kong magaling ako sa rhyming words. Ewan ko kung bakit hindi nila pinuri iyon. Hindi ko naman kinwestiyon ang standards ng aking mga naging guro, katulad ng hindi ko pagtanggi sa arm chair na para lamang sa mga right handed students.

Kahit malikot ang imahinasyon ko at kahit makulay ang mga karanasan ko, masasabi kong kaunti pa lamang ang alam ko sa pagsulat, o maaari ngang wala pa. Pero sumusulat ako sa kaparehang paraan ng kung papaano nagpipinta ang pintor.

Magaan. Makulay. Makahulugan.

Para kanino ka nagsusulat?

Ito ang multimillion worth of question para sa akin! Hindi ko alam kung magpapakatotoo ako o mambobola. Pero dahil hindi ako magaling sa persuasive essay, doon tayo sa una.

Kahit na ako’y guro, hindi ko masabing nagsusulat ako para sa mga estudyante ko. At lalong hindi para sa eskwelahang pinagtatrabahuhan ko. Hindi parating maganda ang isinusulat ko, at hindi parating kabutihan ang gusto kong ipakita.

Gusto kong isipin na nagsusulat ako para sa mga taong hindi mailabas ang kanilang saloobin, katulad ng kung papaano nagsulat si Rizal noong panahon ng Amerikano, ay, ng Hapon pala. (Muntik na akong bumagsak sa history noon.) Pero natatakot akong hindi iyon ang gift ko. Hindi rin ako ganon katalino para sumulat ng isang satirical play para katukin ang puso ng mga tiwaling pulitiko, pero gustong gusto ko sana noon.

Madalas, nagsusulat ako para sa sarili ko. Hindi para malibang, kundi para mag-iyak ng emosyon at imahinasyon. Paulit ulit man pero totoo ito. Napaka-liit ng utak ko para ikulong lamang ang mga ganitong bagay, lalo na’t alam kong magaling lumimot ang isip ko, katulad ng kung papaano ko nakakalimutan kung hihilain ko ba o itutulak ang pinto kapag nakakikita ako ng push o pull na signage.  

Mas madalas, nagsusulat ako para sa mga taong malungkot at pagod; sa mga taong hindi magaling sa science pero mahilig sa buwan at mga bituin, sa mga taong higit pa sa numero ang kayang bilangin; sa mga taong hindi nagmamadali sa byahe at mahilig umakyat ng puno, nagsusulat ako para sa mga kapwa ko makata.

© Gia Marie, 2017

Advertisements

Author:

Daughter of Poseidon l Teacher l Playbacker l Theater Enthusiast l Poet l Playwright l Cat Lover l Cat

One thought on “Writer’s Poetics

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s